Pumalag ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa kautusan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na triplehin ang kanilang kontribusyon ngayong taon at ginawa pang kondisyon para makakuha sila ng overseas employment certificate (OEC).

Ang OEC ay isang dokimentong binabayaran ng mga OFW para lang makapagtrabaho sila sa ibang bansa.

Inilabas ng PhilHealth ang Circular 2020-0014 noong Abril 16, 2020 na nagtatakda na magbayad ang mga OFW ng P2,400 na initial payment sa PhilHealth ngayong taon na tinuturing nitong transition period lamang o katumbas lamang ng kanilang binabayarang voluntary contribution noong mga nakaraang taon.

Bukod sa P2,400 na initial payment, magbabayad pa ang mga OFW ng balanseng mula P5,088 hanggang P19,200 sa PhilHealth ngayong taon. Ang halaga kasi ng kanilang bayarin sa PhilHealth ay katumbas ng 3% ng buwanang sweldo nila ngayong taon.

Sa kabuuan, aabot sa P7,488 hanggang P21,600 ang babayaran ng OFW sa PhilHealth ngayong taon.

Sa 2021, itataas ang kontribusyon sa 3.5% ng kanilang sweldo at taon-taon itong itataas hanggang sa maging katumbas ng 5% ng kanilang sweldo ang magiging kontribusyon sa PhilHealth sa Philhealth.

Hindi naging katanggap-tanggap sa mga OFW ang bagong patakaran ng PhilHealth. Sabi ng mga OFW, hindi tama na gawin silang gatasan ng pamahalaan.

Sabi ng OFW na si Mr.De Jesus Carpio sa isang public post: “Ginagawa tayong gatasan ng lintik na mga mambabatas. Bakit `di nila bawasan ang pondo ng kanilang mga opisina para ipondo sa PhilHealth. Bakit naipasa ang batas na `yan na walang konsultasyon sa mga OFWs.”

Dagdag pa ni Carpio, bukod sa iinteresan na sila kapag hindi nagbayad ng kontribusyon at papatawan ng penalty, hindi sila bibigyan ng OEC, isang dokumentong inoobliga silang kumuha para makapagtrabaho sa ibang bansa na matagal na ring tinututulan ng mga OFW dahil dumadagdag lang ito sa gastos nila gayng mayroon na silang mga visa, passport at kontrata.

Nagsasagawa na rin ng online petition sa change.org para tanggalin ng PhilHealth ang mandatory 3% premium payment mula sa sweldo ng mga OFW.

“This is not practical. The OFWs should not be made the milking cows of this government,” sabi ni Nadia Baligaya sa pagpirma niya sa petition.

“We keep ourselves as healthy as we can. We don’t use it. Where will it go? We are not milking cows,” sabi pa ni Jaime Balanay.

Dagdag pa ni Joah Lavilla, “Hindi makatarungan ito. Hindi naman nagagamit namin dito sa ibang bansa.”

Sabi ni Willy na pumirma ng petisyon, “our family was not included in any support from government and you want us to pay more? Enough. There is no deeper than hell. You cannot reach it.” (Eileen Mencias)

Source: www.abante.com.ph/mga-ofw-gatasan-ng-philhealth.htm